PANAHON NG HIMAGSIKAN
Ang Dapat Mabatid ng mga Tagalog
ni Gat Andres Bonifacio
Buhat nang ito’y mangyari ay bumubilang na ngayon sa tatlong
daang taon mahigit na ang lahi ni Legaspi ay ating binubuhay sa lubos na
kasaganaan, ating pinagtatamasa at binubusog, kahit abutin natin ang kasalatan
at kadayukdukan; iginugugol natin ang yaman, dugo at sampu ng tunay na mga
kababayan na aayaw pumayag na sa kanila’y pasakop, at gayon din naman
nakipagbaka tayo sa mga Insik at taga-Holandang nagbalang umagaw sa kanila
nitong Katagalugan.
Ngayon sa lahat ng ito’y ano ang sa mga ginawa nating
paggugugol ang nakikitang kaginhawahang ibinigay sa ating Bayan? Ano ang
nakikita nating pagtupad sa kanilang kapangakuan na siyang naging dahil ng
ating paggugugol! Wala kudi pawang kataksilan ang ganti sa ating mga pagpapala
at mga pagtupad sa kanilang ipinangakong tayo’y lalong gigisingin sa kagalingan
ay bagkus tayong binulag, inihawa tayo sa kanilang hamak na asal, pinilit na
sinira ang mahal at magandang ugali ng ating Bayan; iminulat tayo sa isang
maling pagsampalataya at isinadlak sa lubak ng kasamaan ang kapurihan ng ating
Bayan; at kung tayo’y mangahas humingi ng kahit gabahid na lingap, ang nagiging
kasagutan ay ang tayo’y itapon at ilayo sa piling ng ating minamahal ng anak,
asawa at matandang magulang. Ang bawat isang himutok na pumulas sa ating dibdib
ay itinuturing na isang malaking pagkakasala at karakarakang nilalapatan ng sa
hayop na kabangisan.
Ngayon wala nang maituturing na kapanatagan sa ating
pamamayan; ngayon lagi nang gingambala ang ating katahimikan ng umaalingawngaw
na daing at pananambitan, buntong-hininga at hinagpis ng makapal na ulila,
bao’t mga magulang ng mga kababayang ipinanganyaya ng mga manlulupig na
Kastila; ngayon tayo’y nalulunod na sa nagbabahang luha ng Ina sa nakitil na
buhay ng anak, sa pananangis ng sanggol na pinangulila ng kalupitan na ang
bawat patak ay katulad ng isang kumukulong tinga, na sumasalang sa mahapding
sugat ng ating pusong nagdaramdam; ngayon lalo’t lalo tayong nabibiliran ng
tanikalang nakalalait sa bawat lalaking may iniingatang kapurihan. Ano ang
nararapat nating gawin? Ang araw ng katuwiran na sumisikat sa Silanganan, ay
malinaw na itinuturo sa ating mga matang malaong nabulagan, ang landas na dapat
nating tunguhin, ang liwanag niya’y tanaw sa ting mga mata, ang kukong nag-akma
ng kamatayang alay sa atin ng mga ganid na asal. Itinuturo ng katuwiran, na
wala tayong iba pang maaantay kundi lalo’t lalong kaalipinan. Itinuturo ng
katuwiran, lalo’t lalong kaalipustaan at lalo’t lalong kaalipinan. Itinuturo ng
katuwiran, na huwag nating sayangin ang panahon sa pag-asa sa ipinangakong
kaginhawahan na hindi darating at hindi mangyayari. Itinuturo ng katuwiran ang
tayo’y umasa sa ating at huwag antayin sa iba ang ating kabuhayan. Itinuturo na
katuwiran ang tayo’y magkaisang-loob, magkaisang isip at akala at nang tayo’y
magkaisa na maihanap ng lunas ang naghaharing kasamaan sa ating Bayan.
Panahon na ngayong dapat na lumitaw ang liwanag ng
katotohanan; panahon nang dapat nating ipakilala na tayo’y may sariling
pagdaramdam, may puri, may hiya at pagdadamayan. Ngayon panahon nang dapat
simulan ang pagsisiwalat ng mga mahal at dakilang ani na magwawasak sa
masinsing tabing na bumubulag sa ating kaisipan; panahon na ngayong dapat
makilala ng mga Tagalog ang pinagbuhatan ng kanilang mga kahirapan. Araw na
itong dapat kilalanin na sa bawat isang hakbang natin ay tumutuntong tayo at
nabibingit sa malalim na hukay ng kamatayan na sa ati’y inuumang ng mga kaaway.
Kaya, O mga kababayan, ating idila ang bulag na kaisipan at
kusang igugol sa kagalingan ang atin lakas sa tunay at lubos na pag-asa na
magtagumpay sa nilalayong kaginhawahan ng bayan tinubuan.
Ang sanaysay na ito ay nais ipabatid sa atin ang mga pangyayaring sana'y di natin isinagawa sa panahon na kung saan tayo ay sinakop ng mananakop. Ang mga pag-uugaling ating sinanay sa ating sarili ay pawang nakuha natin sa ating mananakop. Ayon din sa sanaysay na ito, marapat lang natin na ipakilala ang sariling atin, ang mga kaugalian at ang mga naging bunga ng mga pinaghirapan ng mga Tagalog. Marapat lang nating buhayin ang noong natutulog na kagalingan ng isang Tagalog upang ipakita ang kaginhawaaan na noon pa'y nais.
http://blog-by-taga-ilog-news.blogspot.com/2010/08/ang-dapat-mabatid-ng-mga-tagalog.html
Comments
Post a Comment